Posted in Filipino Poetry

Pahingi ng Pahinga

wala naman akong pupuntahan 
ngunit minsan 
kailangan ko lang talagang lumabas sa pintuan 
damhin ang hangin, 
pawiin ang sama ng loob 
masdan ang tanawin, 
kalimutan lahat ng kutob 

madalas na kasi akong napapagod 
nakadarama ng pagkabagot 
palabas na lang kasi ang lahat 
mistulang masaya kapag magkasama
ngunit ang lalim ay tuluyan nang nawala 
wala na yung dating pagsasama - 
yung hinding hindi mo gugustuhing matapos 
dahil di ka makararamdam ng pagkakapos 

ngayon ay aking natalos 
na ang mga salita at haplos 
napalitan na ng mga galos, 
mga maliliit na biyak sa pagitan ng ako at ikaw 
unti-unti nang lumaki dumami, 
marami na ang nagbago 
di na tugma ang mga tono 
wala na sa tamang tiempo 

di dahil naubos na ang mga isinimpang saya 
kundi dahil di na natin kailangan ang suporta ng isa't isa 
di ko na kailangan ang tawa mo sa mga kakornihan ko 
di mo na kailangan ang pang unawa ko sa pagka-moody mo 
di mo na kailangang hawakan ang ulo ko kapag ako'y nababahala 
di ko na kailangang himasin ang pagod mong isipan at kaluluwa 

ramdam ko naman at alam mo rin di na tayo gaya ng dati 
yung ligayang pinagtulungan nating buuin 
napalitan na ng lumbay 
panay-panay na lang ang pagkukunwari 
ng mga isip nating alam naman ang tama't mali 

bakit, 
bakit di natin magawang tapusin ang saklap 
pabayaan na lang sa alapaap 
ipatangay sa mga ulap 
kalimutan ang mga pinag-isang pangarap

bakit pa ba natin pinatatagal 
nagmumukha lang tayong mga hangal 
mahal, 
pwede bang bitiwan mo na ang mga salitang "ayoko na" 
dahil sawa na kong mag pasya para sa'ting dalawa 
at pahintulutan mong sa huling pagkakataon ay mangako ako, 
pangako, 
titigilan ko na ang pakikibalita sa mga kaganapan ng buhay mo 
kung paanong pinipigilan ko ang sarili kong basahin 
ang mga kabanata sa paborito kong libro 
dahil nasasayang lang ang oras ko 
sa paulit ulit na tagpo 
pagtatapos naman ay walang pagbabago 

pero sana lang mangako ka rin 
at sa puntong ito ay 'yong tuparin 
ihinto mo nang limitahan ang mga kilos ko, 
palayain mo na ako nang mapalaya mo na rin ang sarili mo 
tanggapin na nating wala na ang "tayo" 
unawain mong walang himpit sa mundong ito 
sanayin mo nang di ako kasama, 
wag kang mabalisa 
wala ka namang dapat ipag-alala 
kakayanin ko rin ang mag-isa 

dahil mahal, 
matagal-tagal na rin naman 
mula ng sakin ito'y ipadama 
at minsan kailangan ko lang talagang lumabas sa pintuan, 
dahan-dahan humakbang palayo sa nakaraan 
tungo sa kalayaan.
Photo credit: John Swaisoon (Pinterest user - https://www.pinterest.com/pin/523121312937311586/)
Advertisements

Author:

I write in order to live

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s